Tag Archive: tagalog


Pakiusap sa Buwan

moon1Madilim ang gabi, malamig ang simoy ng hangin
Kinakausap ang langit na ika’y bumalik na sa akin
Sa tala nakatingala, nangingilid ang mga luha
Pinagdudugtong mga bituin ginuguhit ang iyong mukha

Liwanag ng buwan, gabay ko patungo sa’yo
Kinakausap ang hangin na ipadala ang init ng yakap ko
Binabalikan sa isipan, ang tamis ng nakaraan
Binubulong sa sarili “bakit mo siya pinakawalan?”

Ngiti at boses mo, ako’y nangungulila
Sa init ng iyong halik ramdam ang pag-aalaga
Dalangin ko lang ay muli kang makapiling
Malungkot na puso’y hinihintay ka na dumating.

Makulay ang Buhay?

Heto ako nakaupo sa gilid
Walang ginagawa kun’di sumilip
Sa bintanang nakabukas
Ramdam ang malamig na hanging nagmumula sa labas
Naiisip ang mga taong pinakamamahal
Naaalala ang mga problema ‘pag ako’y nagdadasal
Nangingilid ang mga luha sa aking mga mata
Balik-tanaw ko ang dati noong ako ay bata pa
Inosente at walang problema
Tanging nasa isip ay maglaro sa kalsada
Masaya! Kasama ang ibang mga bata

Ako’y napapapikit na lamang sa naiisip
Nagtatanong sa Poong Maykapal kung bakit,
Mga problema wari ko’y sa akin lumalapit
Pwede bang sa iba muna?
Bakit ba ako na naman?
Ako’y tahimik na lang sa isang tabi
Nakatikom ang aking mga labi
Pero utak ko’y nag-aalimpuyo
Masakit ang ulo na nakatungo
Nangingilid kaninang mga luha, bumuhos na
Sumisikip ang dibdib, nahihirapan huminga
Masakit ang lalamunan at hirap makalunok
Mga pagsubok ng buhay hindi ko labis maarok
Kailan ko maiintindihan ang takbo ng kapalaran
Kung utak ko’y gulong-gulo,
May hinanakit na nakabalot sa aking puso

‘Makulay ang buhay”, wika nila
Tanong ko sa sarili ,”Sa akin ba ay iba?”
Pero pilit kong minumulat ang aking mga mata
Sa mga pagkakataon na siguro’y aking nabalewala
Inaalo ang sarili sa harap ng salamin
Pangiti-ngiti, tinitingnan kung bagay ba sa akin
Sa huli, malalim na buntong hininga
Ang pinakakawalan sa gitna ng aking pag-iisa
At sana sa pagsapit ng gabi
Anghel dela gwardiya, sana sa akin tumabi
Upang ako’y protektahan at gabayan
At’tong isip kong magulo ay maliwanagan

Ako ay ordinaryong tao lamang
Problema ay natural lang
Ang pagsubok ay di natatapos
Pero solusyon man ay di rin nauubos

color

%d bloggers like this: